
Isang buwan mula nang arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte at dalhin sa ICC Detention Center sa The Hague upang simulan ang paglilitis sa kaso ng Crimes against Humanity of murder, ay kinukondena ng iDefend ang paglaganap ng mapanlilinlang at mapanlansingi mga impormasyon mula sa kampo ni Duterte at mga taga suporta nito.
Inaresto si Duterte, Marso 11, 2025, pagdating niya ng Pilipinas mula Hong Kong ng pinagsanib na pwersa ng INTERPOL at PNP. Pormal na hinain sa kanya ang arrest warrant habang binabasahan sya ng Miranda Rights bago inilipad sa The Netherlands. Walang kidnap o extradition na naganap. Inisyal nang humarap si Duterte sa Pre-Trial Chamber ng ICC para sa beripikasyon ng kanyang identidad at siguruhing klarong naiparating sa kanya ang mga kasong isinampa sa kanya at ipaalam ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Rome Statute.
Ayon sa Korte Suprema, nananatili ang jurisdiction ng ICC sa mga krimeng ginawa ni Duterte, sa panahong miyembro pa tayo nito mula 2011 hanggang 2019. Sa pagtakbo ng kaso sa ICC ay maaaring makipag tulungan pa ang gobyerno kung nanaisin nito, sa anumang punto ng paglilitis. Kabilang dito ang pagbibigay ng impormasyon mula sa naganap na mga hearing sa QuadCom o pagsisiyasat ng Commission on Human Rights at iba pang ahensya ng gobyerno. Ang desisyong makipag tulungan sa ICC ay bahagi ng soberenya ng bansa.
Malinaw ang proseso ng batas sa pagdakip kay Duterte, subalit malayong-malayo ito sa sinapit ng mga naging biktima niya sang kanyang giyera polisiya ng gera kontra droga.
Libo libo ang pinatay sa giyera laban sa droga ni Duterte. Hindi ito kathang isip ng mga anti-Duterte lamang. Sila ang tunay na biktima. Higit 20,000 ang pinatay ayon sa accomplishment report ng Office of the President mula ika-1 ng Hulyo 2016, hanggang ika-27 ng Nobyembre 2017, na binanggit ng Korte Suprema sa resolusyon nito noong ika-3 ng Abril 2018. May higit 4,000 pa ang naitala ng Dahas.Ph sa panahong mula 2018 hanggang 2021, subalit sa opisyal na paliwanag ng gobyerno sa Korte Suprema, higit anim na libo lamang ang pinaslang sa mga anti drug operations.
Sa loob ng anim na taon ng giyera laban sa droga ni Duterte, saksi tayo sa madugo at karumal-dumal na sinapit ng maraming biktima nito- sa loob ng kani-kanilang tahanan, sa kalsada, sasakyan, hanggang sa mga madidilim na eskinita. Ang mga unang biktima ay binalot sa garbage bag, may karatulang sinulatan na sila ay mga adik o pusher, at pinagtatapon sa paligid ng mga komunidad at paaralan. Sa kalaunan, tinanimanand mga bangkay ng baril at droga. Lahat ay sinabing nanlaban. Ang sumunod na mga biktima ay sapilitang winala at makikita kalaunan ang bangkay na itinapon sa ibang lugar. Maraming napagkamalan at pinatay o kaya’y nadamay- . May sanggol na napataydahil karga siya ng kanyang ama na pinaghihinalaang gumagamit ng droga at binaril; may batang nadamay nang paulanan ng bala ang kanilang bahay dahil pinaghihinalaang user ang kanyang lolo. Ang kaso ni Kian delos Santos na kundi sa ebidensya mula sa CCTV ay hindi mahahatulan ang mga salarin.
Hindi rin natin makakalimutan iyong naging paraan ng pagsusumbong sa awtoridad aypaglalagay ng mga kahon sa komunidad kung saan ilalagay ang pangalan ng mga drug user o pusher sa kanilang lugar na naglagay sa kapahamakan sa maraming mga indibidwal.
Nagkaroon din R.A. 10973 na nagbigay kapangyarihan sa hepe ng PNP at direktor at deputy director ng CIDG na maghain ng subpoena. Naging lalong makapangyarihan ang buong kapulisan dahil sa mga polisiya ng dating pangulo. Subalit nalagay ang maraming komunidad sa panganib.
Sa kabila ng paghatol ng Korte sa apat na kaso ng EJK laban sa kapulisan, ang mayorya ng mga kaso ay hindi na inimbestigahan ng gobyerno, at hindi na umabot sa asunto.
Sa ilalim ng pamumuno ni Duterte naghari ang KAWALANG PANANAGUTAN at KAWALANG HUSTISYA sa ating bayan. Nagbunga ito ng higit na kabuktutan at katiwalian sa gobyerno dahil sa quota system sa loob ng pulisya. Namayagpag ang mga anti-demokratikong pwersa sa pamamagitan ng NTF-ELCAC at isinabatas ang AntiTerrorism Act laban sa mga human rights defenders.
Nananatiling makapangyarihan si Duterte kung kaya’t walang nakikitang pag-asa ang mga kaanak ng mga biktima na magkaroon ng hustisya dito sa Pilipinas. .Patuloy silang tinatakot na papatayin o idadamay sa drug list ng mga barangay o pulis. Habang ang kasalukuyang gobyerno ay wala ring pagkilos upang bigyan sila ng proteksyon o bigyan ng resolusyon ang kanilang mga kaso. Hindi nakakapagtaka ang lubos nilang pananalig at pakikipagtulungan sa International Criminal Court na hindi nai impluwensyahan ng kapangyarihan ng mga Duterte o naapektuhan ng kahinaan ng ating justice system.
Sa darating na ika-23 ng Setyembre 2025 magaganap ang Confirmation of Charges hearing. Ang hearing na ito ay magtitiyak kung sapat ang mga ebidensya upang mapagtibay ang mga batayan sa mga kasong isinampa laban kay Duterte. Kung mapapatunayan ito, buo man o bahagya, ay ililipat ang kaso sa Trial Chamber na siyang magpapatuloy na sa proseso at sisimulan na ang paglilitis.
Ang In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDEFEND) kasama ang mga kaanak ng mga biktimaay handang lumahok at tumestigo sa anumang antas ng paglilitis na ito. Pormado ang buong pwersa ng ating kampanya dito sa Pilipinas at sa The Hague, sa ngalan ng pagkakamit ng hustisya hindi lamang para sa mga biktima kundi para sa ating lipunan. Nawa’y maging umpisa ito ng panunumbalik ng paggugobyernong makatao, maka mamamayan at maka karapatan.
Nagsisimula pa lamang tayo sa aktwal na labanan para sa katarungan at para sa pananagutan ng mga nasa kapangyarihan sa kanilang mga kasalanan sa mamamayan.
TULOY ANG LABAN!
#EndImpunity
#ExactAccountability
#DutertePanagutin
#ICC